“WIKANG KINAGISNAN, ATING PAHALAGAHAN”
Ni: Cheryl Heredia
Paano
natin mailalarawan ang kagandahan ng wika? Bakit kailangang maipakilala ang ating
sariling wika sa lahat ng antas ng ating pamumuhay? Ang wika ay maikling salita
ngunit ang kahulugan at katangian nito ay napakalim at napakalawak. Maaari
nitong mapaunlad ang isang tao o bansa. Hindi lingid sa ating kaalaman, na ang
wika ay napakahalaga sa ating lipunan. Ito ay nagsisilbing pundasyon upang tayo
ay magkaroon ng ugnayan sa bawat isa. Sa pamamagitan nito naipapahayag natin
ang ating sariling palaisipan at saloobin. Sa ganung paraan ay matatamo natin
ang isang maayos na lipunan kung tayo ay
magkakaroon ng maayos na ugnayan. Ang
wika ang sumasalamin sa ating kultura at nagsisilbing sagisag ng
ating pagkakakilanlan na siyang nagbubuklod sa bawat mamamayang Pilipino. Kung atin lamang
kilalanin at balikang-tanaw ang tungkol sa kasaysayan ng ating bansa ay mas
lalo nating maiintindihan at mauunawaan ang mga pangyayari sa kasalukuyan at
ito’y magsisilbing ating gabay tungo sa kaunlaran sa hinaharap.
Bilang pagtugon sa temang, “Filipino: Wika ng
Saliksik, ito ay aking maituturing na napakabuti at napakahusay na adhikain. Sapagkat
nabibigyan natin ng pansin ang malalim na kahalagahan ng ating sariling wika. At bilang Pilipino,
tayo ang pangunahing responsable sa pagpapahayag at pagpapalaganap nito sa
anomang uri ng kalagayang at larangang
panlipunan. Ako ay naniniwala na likas
sa ating mga Pilipino ang mahusay sa pananaliksik. Sa katunayan, maging ang mga
walang kabuluhang bagay na walang kaugnayan sa ating buhay ay nabibigyan natin
ng panahon na tuklasin sanhi ng ating pagkamausisa. Ang kakayanang ito ay
maaari nating gamitin sa pagbabago ng ating
bansa patungo sa kaunlaran. Sapagkat sa panahon ngayon, malakas ang
hatak ng pagbabago sanhi ng napakabilis na modernisasyon at maaari tayong sumabay
sa pagbabagong ito kung tayo ay patuloy na magkakaisa sa isang mithiin at adhikain
na mapaunlad ang ating bansa sa larangan man ng ekonomiya, edukasyon, kultura at
pamahalaan gamit ang wikang ating kinagisnan. Sa pananaliksik gamit ang ating
sariling wika ay magagawa nating tuklasin ang mga kaalamang maaari pa nating magamit
sa pagpapabuti ng kalagayan ng ating bansa at sa pamamagitan din nito ay mas
lalo nating mabibigyang diin ang
pagpapatibay ng pagkakakilanlan ng ating lahi.
Sa
aking obserbasyon, nararamdaman ko na karamihan sa ating mga Pilipino ay
nagnanais na makatugon at makabahagi sa pagpapahayag at pagpapalaganap ng ating
sariling wika tungo sa kaunlaran. Lahat tayo ay may sariling pamamaraan kung
paano natin ito maiingatan ta mapapanatili. Ano man ang ating kalagayan sa
lipunan, tayo man ay estudyante, guro, manggagawa, makapangyarihan o simpleng mamamayan ay maaaring makabahagi
dito na maaari nating mapasimulan sa ating mga tahanan, paaralan at komunidad. Pangunahin
sa lahat, simulan natin sa ating sarili ang pagbabago na gusto nating makamit
at makita sa ating bansa. Ugaliin natin na tumulong at mapaglingkuran ang ating bansa kahit sa
maliit na paraan. Kahit tayo man ay simpleng mamamayan,maging responsable tayo
sa lahat ng ating gagawin. Tuparin natin
ang ating mga tungkulin at sumunod tayo sa mga tuntunin. Bawat isa sa atin ay
may magagawa. Huwag nating maliitin ang ating sarili. Wala sa edad o sa estado
ng buhay, lahat tayo ay may sari-sariling kontribusyon sa bansa sapagkat ang
pangarap at adhikain ng bawat isa ang siyang huhubog sa ating
hinaharap.Taglayin natin ang pagmamahal at pagpapahalaga sa sarili nating wika,patuloy
natin itong tangkilikin at huwag hayaang ito’y mawala sa atin dahil ito ang
pinakamabisang sandata sa ating pagtatagumpay. Huwag natin itong hayaang mapako
lamang bagkos ating pasimulan sa isang araw lang hanggang sa ating nang
makasanayan.
No comments:
Post a Comment