Tuesday, August 21, 2018


Wikang Filipino, Sagisag ng bawat Pilipino
Ni: Queenie Ramos
          Wika ang maituturing na pinakamabisang kasangkapan sa pakikipag-komunikasyon sa ating kapwa. Kung kaya’t paano kung karamihan sa atin ay ipinagsasawalang bahala na ang mga ito? Gaano nga ba natin kamahal at kakilala ang ating sariling wika? Kailangan pa ba nating mas pag-ibayuhin pa ang ating wika o hahayaan na lamang na kalimutan ang siyang dapat na ating pinapahalagahan?
          Masarap sa pakiramdam na marinig sa bawat isa sa ating mga Pilipino na ginagamit at pinapahalagahan ang sariling wika. Mararamdaman mo na kailanma’y hindi ito magmamaliw sa ating puso dahil ito ang siyang sumasagisag sa ating pagka-Pilipino. Ngunit alam naman nating lahat na sa panahon ngayon ay nagiging makabago na ang bawat bagay na nakikita natin dahil sa pag-unlad ng teknolohiya at siyensya. Hindi natin maipagkakaila na dahil dito nagkakaroon tayo ng bagong kaalaman sa pagbigkas ng iba’t ibang wika. Ngunit nais kong ipabatid na hindi naman masamang sumabay sa pag-unlad na gaya nito subalit hindi ba’t mas masarap kung sumabay tayo sa pag-unlad na dala ang sarili nating wika at makilala tayong mga Pilipino hindi lang sa bawat talento na ating pinapakita kundi dahil narin sa ating kultura. Nararapat natin na taglayin ang pagmamahal at pagbibigay importansya sa ating sariling wika dahil ito ang pinakamabisang sandata upang magtagumpay o umunlad ang ating bansa. Kinakailangan din natin na pag-ibayuhin pa ito upang sa mga susunod pa na henerasyon mananatili ito at maaaring makasaliksik pa ng mas malalalim na salita tungkol sa ating sariling wikang Filipino.
          Huwag tayong mawawalan ng pag-asa na mas paunlarin at palaganapin pa ito sapagkat ang pagkakaroon ng sariling wika ay mahalaga. Ikarangal natin ang Wikang Filipino dahil ito ang Sagisag ng bawat Pilipino.
               

No comments:

Post a Comment